CCP, artist, kinasuhan ng religious groups
Sa pamamagitan ng sining, kinondena ng mga naagrabyadong artists at kanilang mga supporters ang Cultural Center of the Philippines.
Paraan daw ng censorship ang ginawa ng CCP sa pagpapasara ng kontrobersyal na "Kulo" exhibit kung saan tampok ang gawa ni Mideo Cruz na ayon sa mga kritiko ay pambabastos daw sa mga imahe ng Kristiyanismo.
“Nakakapanlumo ang nangyari dahil tunay na may posisyon na dapat panindigan ang CCP,” sabi ng National Artist na si Bienvenido Lumbera.
Kasama rin sa mga dumalo kanina si Cruz, pati na rin si Karen Flores, na nag-resign sa CCP bilang visual arts director.
“Dapat bumalik na 'ko sa aking sector bilang artist at tumulong sa pag-rally para sa freedom of expression,” sabi ni Karen Flores, dating visual arts director ng CCP.
Hiling ng mga artists sa CCP na muling buksan ang exhibit para matuloy ang dayalogo tungkol sa gawa ni Cruz.
Pero kanina, nagka-tensyon ulit matapos magtanong ang aktor na si Pen Medina kung maaari daw ba na tanggalin ang gawa ni Cruz para matuloy ang exhibit ng ibang artists.
“Hindi ba puwede na mag-compromise nang ganoon? Dahil ang gusto natin, dayalogo,” sabi ni Medina.
Binuweltuhan din ng mga artists ang media sa umano'y pagpapalaki ng isyu.
Dapat daw ay magtulungan ang media at mga artists dahil iisang karapatan lang ang pinoprotektahan ng dalawang sektor.
“Kung ano ang repression sa sining, ganoon din ang repression sa media,” sabi ng U.P. Professor na si Nicanor Tiongson.
Tumangging magsalita sa forum si Cruz.
Sa kabila nito, nagsampa ng mga kaso ang Christian groups sa Ombudsman kanina laban sa 11 opisyal ng CCP at kay Cruz.
Balak naman ng mga artists na mag-kilos protesta sa CCP sa August 21, kung kailan sana matatapos ang "Kulo" exhibit.
Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino
08/11/2011 11:08 PM