Head ng visual arts dept ng CCP, nagbitiw sa pwesto
Kahapon pa sarado ang kontrobersiyal na "Kulo" exhibit sa CCP, pero tila bukas pa rin ito sa kontrobersiya.
Kanina, nag-rally ulit ang Pro-Life Philippines sa harap ng himpilan ng CCP. Kung dati, pagpapasara lang ng exhibit ang kanilang gusto, ngayon, paumanhin at pagsisisi mula sa CCP ang kanilang hanap.
“We demand an apology. Hindi lamang na-offend ‘yong Roman Catholic church, na-offend rin yung mga bata natin,” giit ni Benny Abante ng Pro-Life Philippines.
Paliwanag naman ang hanap ng ilang senador kung bakit nakalusot ang installation sa museo, kaya naman ipatatawag nila ang mga opisyal ng CCP sa susunod na linggo.
“Wala rin silang sinasabi. Nag-meeting daw, nagbotohan daw. Hindi. Mukhang merong mga nambobola. There should be an inquiry to find out kung sino ang nasa likod nito,” sabi ni Sen. Tito Sotto.
Sa gitna ng kulo ng kontrobersiya, nagbitiw sa puwesto ang head ng visual arts department ng CCP na si Karen Flores. Inanunsyo niya ito sa isang forum sa UP kanina.
Sinubukan ng ABS-CBN na kunin ang panig ni Flores kung bakit siya nag-resign, pero tumanggi siyang magpa-interview.
Pero ayon kina Flores at sa artist na si Mideo Cruz, haharap sila sa media bukas para manindigan para sa karapatan ng sining.
Bumuo na rin ang mga apektadong artists ng isang grupo. Hihilingin nito mula sa CCP na buksan muli ang exhibit.
“Ang pagsasara nito ay isang clear-cut na pagsasabi na censorship ito at kaya sinasabi namin na we have to make our stand, and our stand is for the freedom of expression,” ani ng spokesperson ng Palayain ang Sining na si Iggy Rodriguez.
Sa panayam naman sa dzMM Teleradyo, sinabi ni CCP President Dr. Raul Sunico na hindi sila magre-resign dahil indikasyon daw ito na sila ay guilty.
Kasalukuyan daw nilang nirerebisa ang pamantayan para sa mga susunod pang exhibit.
Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino.
08/10/2011 11:19 PM