TAYO NANG MANGARAP AT MAGBAHAGINAN SA ASUL NA KARITON!
ni Fredyl Hernandez
Anong kulay ang paborito mo? Ano ang pangarap mo? Kung bibigyan mo ng kulay ang iyong pangarap, anong kulay kaya ang ibibigay mo?
Ang asul ay malawak na kulay. Ito ay kulay na magaan. Ito ang kulay ng kalangitan at ng karagatan. Ito rin ang kulay ng kariton ng magkapatid na batang nangangariton sa kuwentong ”Ang Asul na Kariton.” Bagaman mahirap ang buhay ng magkapatid, puno pa rin ito ng kulay at saya, puno ng ningning at hiwaga. Ipinakita nilang tunay na makulay at malikhain ang imahinasyon ng mga batang Pilipino.
Ipinakita rin ng dalawang bidang bata sa kuwento ang mabuting pakikitungo sa ibang tao at sa kanilang kariton na itinuturing nilang kaibigan. Ang kariton ang kanilang tahanan, ang kanilang katuwang sa paghahanapbuhay, kasama sa kanilang pakikipagsapalaran, at proteksiyon sa kanilang pagtulog sa gabi.
Ang Oktubre ay Buwan ng mga Bata. Lahat ng bata ay kasama sa pagdiriwang na ito — may-kaya man o mahirap, mataba man o payat, maputi man o maitim, nag-aaral man o nasa lansangan.
Maaari kayang magsama sa isang worksyap ang dalawang batang galing sa magkaibang katayuan sa buhay? Maaari kaya silang magdrowing, sumulat, kumanta, at umakting nang sabay? Puwede kaya silang magkuwentuhan at sabay na mangarap, katulad ng pangangarap ng dalawang batang may asul na kariton?
Ang aklat-pambatang ”Ang Asul na Kariton” ay isinulat ni Genaro Gojo Cruz at binigyang-buhay ni Alma B. Quinto sa kaniyang mga larawang nilikha mula sa mga piraso ng tela. Inilimbag ito ng LG&M ng Vibal Publishing House, Inc. at sinuportahan naman ang eksibit at worksyap ng Museo Pambata. Ang proyektong Tayo Nang Mangarap at Magbahaginan sa Asul na Kariton! ay magkakasamang binuo ng mga indibiduwal at institusiyong naniniwala at nagsusulong sa karapatan, galing, talino at magagawa ng batang Pilipino.
Ang kuwento ay isinalarawan upang higit nating maintindihan. Pinagtagpi-tagpi ang mga retaso para maipakita ang mga eksena ng kuwento. Tinahi ang mga imahen upang mapagdugtong-dugtong at mabuo ang mga tagpo. Sa worksyap, ilalarawan din ng mga batang kalahok ang kanilang mga kuwento at pangarap. Nawa’y manatili sa isipan ng mga batang kalahok ang makukulay na larawan ng kanilang mga pangarap upang makamit ang mga ito sa hinaharap.
Tayo nang mangarap! Tayo nang magkuwentuhan at magbahaginan!
No comments:
Post a Comment