ALINGASNGAS SA PUNTOD NG DI-KILALANG BAYANI
I.
Kay huna ng pag-iisip ng tao.
Singrupok din ng nangabaling sangang
lumutong na sa pagkakatuyo.
Dagli na nilang nalimutan ang kahapon
na nagluwal sa aming di-mabilang
na mandirigma ng ating panahon.
Ang simulain, ang adhikain,
agad na bang naglaho ito at
nagsa-Hudas kayo sa iilang pirasong laya?
Ako ang nagtatag ng lapian.
Wangis ng inang nagbuntis ng sanggol
na hahalili sa isang lumang lipunan.
Sila, ang mga kasamahan kong
nagtatanggol ng mga karapatan mo’t
nakikibaka sa kalayaan ng lipunang Pilipino.
Kami, yaong hindi inalintana
ang makalasap ng panunupil at dahas
sa pag-aangat ng antas ng pakikibaka.
Hanggang sa mapiit yaong nakikibaka,
hanggang ang lapian at ako’y
ninakawan nila ng hininga.
II.
Ngunit ano’t sa bitag ng lawin
ay dinuhapang ninyo ang pain
at nabulag ang inyong paningin.
Narito kayo at nagsasapagbunyi
sa pag-aakaiang nakalaya na kayo
at nakaahon na sa pagkagupiling.
A, nalimot nyo na nga ang layunin,
ang paghihimagsik laban sa pagkagupili’y
pag—aaklas sa kuko ng lawin.
Hindi nga ba’t ito ang adhikaing
Ipinamulat sa madla at pinagsugalan
Ng buhay ng napakaraming alipin?
A, Pasista, kaiingat sila.
Pagka’t nagsilang na ng uhay ang butong
ipinunla ng bayaning di-kilala.
Kapag namula na ang silangan
bukas, ay isisilang na rin
ang binhi ng tunay na kalayaan
Wala mang buhay ang lapian,
ay patuloy na iigting ang kamao
ng mga mandirigmang makabayan.
Joseph Crisanto Martinez
Samahan ng mga Manunulat ng Pamantasan ng Silangan
(SAMAPASIL)
unang inilathala noong ika- 15 ng Agosto, 1986 sa
DAWN
ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng
Pamantasan ng Silangan
Samahan ng mga Manunulat ng Pamantasan ng Silangan
(SAMAPASIL)
unang inilathala noong ika- 15 ng Agosto, 1986 sa
DAWN
ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng
Pamantasan ng Silangan