ANG BUHAY, ANG KATOTOHANAN, ANG DAAN
(o Paalam Sa Kawalang-Malay)
Ito ang Buhay. . .
patuloy ka sa pagwiwilig ng asin
o kaya’y paghahanap sa ipa ng maisasaing.
walang puknat ang pag-imbay mo ng maso,
halos ayaw mo ng bitbitin ang araro.
walang suko ang nagsakuba mong katawan,
walang humpay ang nagsa-makinang katawan,
upang pagkatapos ay matatagpuan lamang
pagkaraan ng aniha’y walang laman ang kaban,
pagkagaling sa pagawaa’y walang mailagay sa tiyan.
ngunit kapag sumipol na ang silangan,
muli kang paaalipin sa nilinang,
muli kang hahatakin ng pagawaan.
kaladkad kang muli ng iyong araro,
tangan mong muli ang iyong maso.
magdidilig kang muli ng pawis,
magbabatak kang muli ng buto.
upang pagsapit muli ng anihan,
pagsahod mong muli sa pagawaan
ay matatagpuan mong di man lang nasulit
ang tagaktak ng iyong pawis,
ang lagutok ng iyong mga buto.
Ito ang Katotohanan. . .
Munihin mo’t nilay-nilaying pilit:
saan mang sulok niyaring bayan mo’y
higit na nakararami yaong minamaliit.
ang paghihikahos ng dantaon,
ang pasang-krus ay di itinakda o sumpa
o hatol ng tadhana o panahon.
maghihikahos ba yaong nagsisikap
at nagsisikap makaahon sa paghihikahos?
ano nga ba’t nagpatulo ka ng pawis
ay pawis pa rin ang iyong kakanin.
ang dapat mabatid na pilit inilihim:
kailanma’y di ka sasala sa pagkain
kung batid mong dantaon ka ng alipin.
ang kasalatan mo ay karangyaan ng iilan,
iilang nagtataglay ng labis na kapangyarihan,
kapangyarihang dinuhagi sa sambayanan,
sambayanang pilit ikinulob sa kamangmangan,
upang ang susi ng kabang-yaman ay mapasaiilan lamang,
iilang nagtataglay ng labis ng kapangyarihan.
kung batid mong kakambal ka ng araro
o lumaki ka sa paghambalos ng maso,
di nga ba’t nasasaiyo ang karapatang
magtaglay ng susi ng kabangyaman?
Ito ang Daan. . .
Langkay-langkay kayong alipin ng lupa.
angaw-angaw kayong martir sa paggawa.
hindi ba’t nais ninyo rin naming lumaya?
magbabangon sa pagkagupiling at dusa?
makakakilos pa ba yaong said na ang hininga?
may higit na lalakas pa ba sa pagkakaisa?
ang bilang ninyo’y sindami ng lilik.
simbilang din ng tabak, maso at karet.
kapag nagbuklod ay isang matibay na sandata
na kayang lasugin ang moog ng mga pita.
simulan mo sa karet ang paghawi sa talahib.
hawanan mo ng tabak ang anumang balakid.
gamitin mo ang maso sa pagpatag ng daan:
daang tungo sa maaliwalas ng bukas,
daang babagtas sa kalayaan. . .
Joseph Crisanto Martinez
unang inilathala sa noong ika- sa
DAWN
ang opisyal na pahayagan ng
Pamantasan ng Silangan
unang inilathala sa noong ika- sa
DAWN
ang opisyal na pahayagan ng
Pamantasan ng Silangan