PASINTABI SA RELIHIYOSO
Ni Patrick Fonte
Sa titulo pa lang ay akin ng pangungunahan
Ang mga Katoliko, Kristiyano, o maging Muslim ka man
Akin lang ilalabas ang sa damdamin ko'y nilalaman
Usaping gumulo sa mga relihiyoso, politiko, at taumbayan.
Sining ni Mideo Cruz biglang pinag-usapan
Ng dahil sa mga bagay-bagay, imahe at mga larawan
Tanong ko ay Bakit? Ano ba ang inyong tinitingnan?
Isang obra, isang sining, o isang taong makasalanan?
Bilang alagad ng sining, si Mideo ay naglalahad lamang
Ng mga bagay-bagay na niloloob ng kanyang kaisipan
Tulad mo, tulad ko, iba-iba ating kinalakihan
Iba-ibang ugali, impluwensya, kultura, at pinag-aralan.
Sino nga ba sa ating lahat ang makakabatid
Kung ang isang tao ay baluktot man o isang tuwid
Sa dinami-dami ng sa atin ay nakapaligid
Sabihin mo sa akin kung ikaw nga’y di man lang napatid.
Ano ba talaga ang kanilang mga kadahilanan
Sa mga obrang matagal na namang pinangalandakan
Bakit ngayon lang nila binigyang pansin at pinag-usapan
Makatuwiran ba ang kanilang reklamo at ipinaglalaban?
Hindi ako malinis, hindi rin tuwid, at hindi rin banal
Subali’t hindi tulad ng iba na animo’y mga hangal
Kung umasta at magsalita akala mo’y may mabubuting asal
Sa totoong buhay, sila kaya’y marunong din magsidasal?
Ano nga ba meron sa mga imaheng binabanggit?
Na nagpasiklab ng lubos sa kanilang mga puot at galit
Talaga bang hindi mapipigilan ang kanilang hinanakit
Sa obra ni Mideo na halu-halo at dikit-dikit.
Nakasulat sa Bibliya na huwag tayong magsisisamba
Sa mga anito, rebulto, larawan at marami pang iba
Sa Diyos lang dapat kahit di natin Siya nakikita
Isang kautusang dapat lagi nating inaala-alala.
Ngayon, ano na nga ba ang mangyayari
Kung paglalahad ng ideya, kaisipan at saloobin ay itatangi
Malaya ka pa kayang makapagbubunyi
Kung puro pagbatikos ng iilan ang sa atin ay isusukli.
At sa mga alagad ng sining ito ang aking iminumungkahi
Ang patuloy na pagpapalaganap sa sining ng ating lahi
Kahit na tayo man ay pilitin nilang maitali
Kailan man sila sa atin ay hindi magwawagi.