Noo’y
kimkim mo sa iyong palad
ang butil na biyaya
ng lupang mayaman.
Binuno mo ang hirap
sa pagbungkal ng lupang
kinagisnan mo ng laya.
Puhunang pawis
sa inaasahang bukas
ay di mo inalintana.
Tigas ng iyong kamao’y
pilit mong inilaban
sa pesteng
pilit na ninanakaw
ang biyayang inaasam.
Bahagya kang nakalimot,
nalibang.
Hindi lamang sa
dami ng biyaya,
kundi sa bagong
karagdagan sa ipon mong yaman.
Lupang kaulayaw
sa araw-araw’y
iyong nalimot,
naiwaglit sa iyong isipan.
Doo’y
dumating ang mga mapagsamantala,
mga mandarambong,
mga mangungurakot.
Tuluyan na ngang naglipana
ang mga salot.
Doon din ay nangagkalat
ang mga peste.
Ngayon,
kimkimin mo sa iyong palad
ang matalim na tabak
na tangi mong panlaban
sa mga pesteng magnanakaw.
Puhunanin mo’y dugo’t
isugal ang buhay
upang makamtan ang kalayaan.
Tibagin sa dibdib
ang gabundok na takot
at iwaglit sa isip
ang panghihinayang sa hirap.
Itanim mo sa isip na
ang laying makakamta’y
higit pang halaga
sa nag-iisa mong buhay.
At doo’y
muli kitang titingalain,
habang itinataas mong muli
ang iyong kamao.
Sa muli mong pagbangon
ay muli akong magbubunyi.
Mabuhay ka,
Aking Pinuno.
Joseph Crisanto Martinez
Ika-23 ng Setyembre, 1983
Samahan ng mga Manunulat ng Pamantasan ng Silangan (SAMAPASIL)
unang inilathala sa
ANG TINIG NG MASA